Buhong ang Mahina

"In this insightful post, we delve into the troubling inequities of the justice system. It's a world where power and influence often tip the scales, allowing the affluent to evade accountability, while the less privileged face undue suspicion and harsh judgments. We dissect how this imbalance reflects a broader societal issue, where economic and social status unjustly dictates one's experience with the law. This discussion is not just about legal outcomes, but a deeper commentary on how justice, or the lack thereof, mirrors the disparities in our society. Join us as we uncover the hidden biases and question the fairness of a system where justice seems to favor the powerful. #JusticeSystem #SocialInequality #LegalFairness"

Engr. Ervin Goh

9/28/20173 min read

Taong 2006 nang magbunyi ang sambayanan matapos isakdal sa hukay ang bangungot na bumalot sa bansa at lagdaan ni Pangulong Arroyo ang batas na nagpapawalang-bisa sa parusang kamatayan. Labing isang taon ang nagdaan na natatamasa natin ang tamis ng kalayaan, ang mga balitang walang itinakdang bibitayin sa ganito at ganyang araw, at mga batas lamang ang humuhusga patungo sa kulungan at hindi sa kabilang buhay na paroroonan.Kung bukas, sa muling pagmulat ng ating mga mata'y bumalik ang parusang kamatayan, mababago ba nito ang takbo ng krimen sa lipunan? Atin nga bang maaapuhap ang kapayapaan sa pamamagitan ng pagdanak ng dugo mula sa mga nagkasala? O di kaya'y magdudulot lamang ng pighati kaakibat ang pagtangis ng kalangitan? Ang paglalagay ng ngipin sa batas ang siya nga bang paraan? Nararapat nga ba nating buhayin ang parusang ito upang siya namang patayin ang kapwa natin tao?

Ang parusang bitay ay kailanman hindi nagsilbi sa kapakanan ng hustisya; bagkus, ito’y ginamit upang kitilin ang mga kalayaan at karapatan ng mamamayang Pilipino. Mula sa panahon ng mga Kastila hanggang sa panahon ni Marcos, ang parusang bitay ay ginamit sa politikal at ekonomikong paniniil. Ngunit kamakailan lang, umugong na naman ang usapin tungkol sa parusang kamatayan, pagkatapos sumambulat sa balita ang ilang karumal-dumal na krimen. Drugs, gun-for-hire killings, murder, rape, child prostitution, kidnapping, robbery, acts of terrorism at malversation of public funds – ito ang mga lumalalang krimen sa lipunan natin. Ito rin ang mga problemang ipapamana natin sa susunod pang mga henerasyon. Subalit para sa lahat ng krimen na ito ay may isang kandidatong solusyon. Ito ay ang pagbabalik ng Death Penalty sa Pilipinas. Maraming dahilan upang ipatupad ang nasabing parusa, unang-una ay dahil sa hindi na natatakot sa mga umiiral na batas ang mga kriminal, lalong-lalo na ang mga kabataan. Kapag ang isang 15-anyos pababa ay nakagawa ng karumal-dumal na krimen, hindi puwedeng ikulong. Sa halip maghimas ng matatabang rehas sa bilangguan, ang bagsak DSWD at PNP, pero hindi para disiplinahin bagkus para arugain. Isa pang dahilan ay sa kadahilanang dumadami ang mga kriminal, ay nagkukulang ang mga pasilidad para paglagyan sa kanila, dulot nito nababawasan ang resources ng bansa sa pag-aaruga ng mga kriminal sa kulungan. Ayon din sa karamihan, binabago ng tiyak na kamatayan ang perspektibo ng isang tao (nagsisisi, nagiging banal, tinatanggap ang nagawang pagkakamali, hinahanda ang sarili para sa pagpanaw) at kahit walang malasakit sa tao ang mga kriminal, may malasakit siya sa sarili niyang buhay (pwede silang mapigilan sa paggawa ng krimen kung alam nilang tiyak na kamatayan ang magiging parusa sa kanila). Mapipigilan ng death penalty ang pagdami ng mga vigilante na inilalagay ang batas sa kamay nila.Maraming ginagawang paraan ang pamahalaan natin para dumami ang mga turista at foreign investment sa Pilipinas. Pero kung ibubuhos lang sana nila ang kanilang puwersa at paggastos ng pera sa pagbabawas ng krimen sa bansa, siguradong dadami ang lokal na negosyo, ang pagdayo ng mga turista at investments sa ating bansa.

Napagkarami nga ng mga dahilan upang pagtibayin ang parusang kamatayan, ngunit sa aking palagay hindi ito magiging epektibo lalo na sa kasalukuyang kalagayan ng ating bansa. Unang-una ay dulot ng lumalalang korupsyon sa loob ng PNP isama pa ang lihim na pandarambong sa loob ng mga kulungan. Isa pang dahilan ay ang korupsyon sa sistemang panghukuman (mabagal na proseso at nababayarang mga judges) at dahil sa korupsyon ng mga opisyal ng gobyerno (lalo na sa LGU level). Dahil din sa kahirapan sa bansa ay malimit na iaalok ng mga mahihirap kapalit ng pera ang kanilang sarili para akuin ang kasalanan ng mga mayayaman, kalungkot-lungkot man kung iisipin ngunit ito ang mapait na katotohanang pilit na itinatago ng lipunan.

Sa halip na ipatupad ang kagimbal-gimbal na parusang kamatayan, mas makabubuti kung unahin ng gobyernong solusyonan ang kanilang pamamalakad bago magpatupad ng batas na siguradong malaki ang magiging epekto sa sambayanan. Tanggalin ang korupsyon sa lahat ng sangay ng Pamahalaan at pribadong sector, ngunit kung magagawa lamang ng bawat pulitikong iwasan ang alitan sa magkakabilang panig at iwasan ang siraan, bagkus, sipain sa pwesto ang tunay na may pagkakasala, uunlad ang ating pamahalaan. Pangalawa, Paunlarin at unahin ang sangay ng edukasyon at primaryang paglilingkod para sa mga mamamayan. Pangatlo, nararapat na sundin ang simbolo ng hustisya kung saan pantay-pantay lahat ng tao, mahirap man o mayaman.

Hindi matapos-tapos ang gulo at ang mga hinagpis ng tama sa maling pagtanto sapagkat kailan pang ang pagkitil ay naging wasto? Kailan pang naging tamang pumatay ang estado? Ang estado natin na inaakalang malinis ngunit sa dungis ng kamay ay naroroon ang bawat dugo ng nasasakupan at unti-unting natutuyo. Hindi lahat nang nakukulong ay nagkasala, at hindi lahat nang masama ay naseselda dahil hanggang hindi pantay-pantay ang hustisya, inosente ang malakas, buhong ang mahina.