Halusinasyon

"Dive into 'Halusinasyon', a thought-provoking blog that paints a surreal yet poignant picture of society's obsession with wealth and status, through the eyes of an old man symbolizing the marginalized. This narrative questions the relentless pursuit of material success, urging a reevaluation of what truly matters in life beyond riches and societal approval. It's a reflective journey that explores the essence of human values, challenging readers to find real meaning and purpose in their lives amidst the modern world's illusions and misconceptions."

Engr. Ervin Goh

2/17/20183 min read

Ang pagtama ng liwanag sa aking mukha ang nagbigay hudyat sa akin para imulat ang aking mga mata. Natagpuan ko ang aking sarili sa gitna ng kaparangan sa ilalim ng maalinsangang araw. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari ngunit sa pag-ikot ng aking paningin sa kapaligiran, nakita ko ang paglipad ng salapi at pagsunod nito sa ihip ng hangin, kasabay nito ang malalakas na yabag mula sa mga taong nagkukumahog na animo’y kinakapos sa hininga. Sa paghawi ng mga ito’y namasdan ko ang isang matanda na may tangang lalagyanan na tila malalim ang iniisip. Hindi ko maaninag ang kaniyang pagmumukha dahil sa sumbrerong nakaharang dito, ngunit sa pag-angat ng kaniyang mga paningin, nadalumat ko ang katotohanan.

Sino nga ba siya sa mata ng lipunan? Siya ba ang taong animo’y isang naiibang modelo kung saan nararapat umangat sa katayuan sa buhay upang hindi sya tularan o siya ba iyung taong magiging inspirasyon upang maging matagumpay sa buhay at nang ang kagaya niya’y maiahon sa kahirapan?

Pulubi, manlilimos, taong grasa, sagabal sa kaunlaran, at salot sa lipunan, iyan ang bumabakas sa bawat pagtulo ng kaniyang luha ngunit kasalanan ba niya kung mamamatay siyang dukha at salat sa kayamanan? Hindi ko akalain na tila nahipnotismo tayo ng modernong panahon na ang dating pinagpipiliang daanan ay nagging iisang tahakin para sa lahat ng nangangarap na sangkatauhan, naging isa na lamang ang ninanais natin sa buhay; ang mag-aral, makapagtapos para saan? Magkaroon ng kayamanan at nang may maipagmalaki sa lipunan. Nakakatuwang isipin na kapag hindi ka naglakbay sa itinakdang daanan, itataboy ka, pagtatawanan, at ituturing na nabigo sa buhay. Tila nakalimutan na natin na hindi tayo ngalalakbay para lamang magkaroon ng iba’t iang uri ng papel na gawa rin lamang ng sangkatauhan, papel na nagkaroon ng halaga, at papel na nagiging dahilan ng pagsiklab ng hindi pagkakaunawaaan. Nakalimutan nating tayo lamang ay pasahero sa isang sasakyang minamaneho ng Panginoon, nakalimutan nating malayo pa tayo sa patutunguhan ngunit mas pinili nating buamaba at tahakin ang lugar na gusto nating pasyalan. Muling tumingin sa akin ang matanda at unit-unting lumakad patungo sa tinahak ng karamihan, at sa huling pagsulyap ko, ang inosente niyang mata’y napalitan ng inggit at pagiging makasarili.

Sa paglubog ng araw, muli akong nagkaroon ng takot at agam-agam na sa pagpikit ng aking mga mata’y hindi ko na muli makita ang matanda at tanging mga nilalang na lamang na handing magpatayan para sa simpleng papel lamang. Oo, tayo’y tao lamang, nagkakamali, nasasaktan ngunit hindi ito ang mga dahilan para gumawa ng mga paulit ulit na pagkakamali na nakakasakit sa ating kapwa. Ang yaman at karangyaan ay nawawala, ngunit ang respeto at pagmamahal ay hindi kailanman maglalaho at ito ang mga magagandang ala-ala kapag nagsisimulang mawala sa tuwid na landas. Magtiwala sa Diyos, gamitin sa mabuti ang mga biyayang ibinigay sa atin, tulad ng talento, kakayahan at kagandahan. Makuntento kung anong mayroon sa buhay, huwag maghangad ng sobra sobra at nang hindi makasakit ng kapwa. Iyan ang buhay ng tao. Isang buhay na punung-puno ng karanasan, kaalaman, kabutihan, kasamaan at pag-asa. Isang buhay na tungo sa ikaliligtas o tungo sa ikapapahamak. Isang paglalakbay tungo sa iba’t-ibang lugar at panahon sa daigdig. Isang makabuluhang pakikipagsapalaran sa buhay. Isang laban na ang matibay lamang ang nagwawagi. Isang pakikipagtunggali na kailangan nating ilaban at ipanalo hanggang sa huli… Hanggang sa huling tibok ng ating mga puso… Hanggang sa huling hininga… Hanggang sa katapusan ng sanlibutan. Ako ang matandang iyon, nakita ko ito sa kaniyang mga mata, nakita ko ang inosenteng mundo ng isang katulad ko, ang mundong hindi nabahiran ng pagkasakim at pagkaganid sa salapi, ang mundong Diyos ang nasa sentro, at mundong walang tanikala ngunit marahil isang halusinasyon lamang ang aking naaninag, halusinasyon na napalitan na ng mga utak talangka ang lipunan, halusinasyon na hindi ko matanggap, halusinasyong nasa pera ang korona’t katanyagan, halusinasyong wala na ang sangkatauhan, at halusinasyong nangyayari sa kasalukuyan.